Wednesday, August 19, 2009

sampaguita song

By Marjorie Evasco
Written and directed by: Ruby Rose D. Sarmiento


Mga Tauhan: Tindera Misyonero
Sampaguita Girl Estudyante 1 at 2
Mga Tsuper (2-4) Businessman
Doktor Pastor

( Sa lansangan: Maingay, iba’t ibang uri ng tao ang nakakalat dito. Lahat ay abala sa kanilang sariling buhay.)

Doktor: ( Habang naiiyamot sa daloy ng trapiko ay nakuha ang kanyang atensyon ng Sampaguita Girl sa di kalayuan. Pabigla-bigla ang pag-usad ng mga sasakyan. Paunti-unti siyang napapasulyap dito bagaman malayu-layo pa siya sa bata.)
Sampaguita Girl: ( Puno ng ngiti ang mukha habang mahigpit na kapit ang kanyang dalang mga bulaklak. )
Pulubi: ( Nanlilimos. )
Estudyante: ( Palakad lakad, nagkukwentuhan. )
Tindera: ( Nasa may tabing kalsada sa kaliwang bahagi, tinatanong ang bawat dumadaan. ) Kuya, miss, anong hanap?
Tsuper: ( Maya’t maya ang pagbusina habang malimit ang pagtigil ng mga sasakyan. )
Pastor: ( Nangangaral dala ang kanyang Biblia sa isang sulok ng kalye, sa kanang bahagi. )
Misyonero: ( Sasayaw-sayaw kasama ng Pastor)

Estudyante 1: Pare, may yosi ka ba dyan?
Estudyante 2: Wala pare eh. ( tumingin sa nagtitinda at agad na tinungo ang kinaroroonan nito.)
Sampaguita Girl: ( Papalapit sa dalawang estudyante.)
Estudyante 1: Dalawa nga pong stick ng Malboro. ( Iniaabot nito ang bayad habang ibinibigay ng timdera ang sigarilyo. )
Sampaguita Girl: ( Nakangiting kinulbit si Estudyante 2. ) Kuya, bili na po kayo ng Sampaguita. Sariwang-sariwa pa po.
Estudyante 2: Mag-kendi ka na lang Ne. ( Iniabot ang kendi.)

Sampaguita Girl: ( Malungkot na tinanggap ang kendi.) Salamat, kuya. ( Sa mahinang boses at agad na nilisan ang lugar. )( Biglang tumawid ng Kalsada kaya muntik ng mahagip ng dyip. )
Tsuper 1: @*#^$% na bata ito. / Hoy, bata! Ayusin mo buhay mo! ( Sigaw ng galit na galit na tsuper. )
Sampaguita Girl: (Di pinansin ang tsuper. Sinamantala niya ang trapik. Nakipagsiksikan siya sa mga naiipit na sasakyan. Ang mga drayber ay inisa-isa nyang inalok ng Sampaguita. ) Manong, Sampaguita po.

Mga Tsuper : ( Walang pumansin sa kanya. )
Businessman: ( Palingalinga at tila nagmamadali. Tinitingnan ang relo habang tumatawid. ) late na ako. ( Bulong nito sa sarili. )
Sampaguita Girl: (Dali-daling hinabol ang businessman.) Sir, sir, Sampaguita po. Murang-mura at sariwa pa. Bili na naman po kayo. Sige na po. ( Nagmamaka-awang sambit.)
Businessman: (Napatingin sa Sampaguita Girl) Pwede bang umalis ka sa harapan ko. Nagmamadali ako. Alis!
Sampaguita Girl: Pero sir, ( Di na nakapagsalita pa ng tabigin siya nito. ) (Pagod na pagod na siya at pinagpapawisan ng sobra dulot ng init ng panahon. ) ( Nagpatuloy siya sa pag-aalok ng kanyang Sampaguita. Nang Makita niya ang pastor ay tila may gumuhit na ngiti sa kanyang labi. Madali nyang tinungo ang kinaroroonan nito. )
Estudyante 1&2: (Di di sinasadyang nabangga ang Sampaguita Girl)
Estudyante 1: Ano ba yan!
Estudyante 2: Paharang-harang kasi!

Pastor: “Ang magtiis hanggang sa wakas ay syang maliligtas.” Mga kapatid, iyan ang mainam na pangako ng Biblia. Tayo’y magpatawaran na ng ating mga kasalanan sapagkat ang panahon ay nalalapit ng dumating.
Sampaguita Girl: Pastor, Sampaguita po. Bili na kayo, murang-mura lang. ( Kinulit niya ang pastor.)
Pastor: Ineng, ika’y tumabi riyan. Sinisira mo ang aking pangangaral ng Mabuting Balita. Alis na, dali! ( Bulong nito sa kanya.)
Sampaguita Girl: Sige na po, bili na po kayo. Piso lang po ang tatlo. Agad rin po akong aalis dito sa oras na ako’y inyong pagbilhan. Sige na naman po.
Pastor: Matigas din ang ulo mo ano? Umalis ka na dito. Di ko kailangan ng Sampaguita mo. Ang kailangan ko ay taga-pakinig. Kung gusto mo, maupo ka riyan ng kahit papaano ay mabiyayaan ka ng Mabuting Balita.
Sampaguita Girl: ( Di na pinagpatuloy ang pangungulit. Agad din itong umalis.) ( Muli syang nagbakasakali sa mga tsuper na siya ay pagbibilhan. )
Pastor: Kaawan ka ng Dios.

Doktor: ( Malapit na sa kanya ang Sampaguita Girl. Hinayaan nyang lumapit ito sa kanyang sasakyan. Binuksan niya ang kanyang side window. ) ( Napatitig siya dito. )
Sampaguita Girl: Sampaguita Ma’am. Sariwa, mabango. Piso po ang tatlo. Bili na kayo Ma’m pang Buena Mano. ( Iniabot ang tatlong Sampaguita kahit walang kasiguraduhan na bibilhin ito ng doktor. )
Doktor: Magkano ba ang lahat ng iyan?
Sampaguita Girl: Ho? Ang lahat po ng ito? ( Nabigla siya sa tinuran ng doktor kaya di agad nakasagot. ) Sampung piso po.
Doktor: Ibigay mo sa akin ang lahat ng iyan. Ito ang bente pesos.
Sampaguita Girl: Talaga po? Naku, maraming-maraming salamat po. ( Tuwang-tuwa sa nangyari. Agad siyang umalis sa kinatatayuan at masayang nilisan ang lugar. )
Doktor: ( Nakangiting Hinatid ng tingin ang bata. )
Mga Tsuper: ( Maingay na binusinahan siya ng mga tsuper dahil sa matagal nitong pananatili sa pusisyon.)
Doktor: ( Inamoy-amoy ang mga Sampaguita at napangiti nang matauhan sa ingay ng mga sasakyan.) ( Unti-unti nitong pinaandar ang kanyang sasakyan.)

No comments:

Post a Comment